Nagsampa ang Office of the Ombudsman (OMB) ng kasong graft and corruption laban kay Mayor Ronald Allan Cesante ng Dalaguete, Cebu sa Sandiganbayan dahil sa pag-apruba nito sa isang proyekto na pumapabor umano sa asawa nito.
Sa isang seven-page order, pinagtibay ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang findings na may probable cause para sampahan ng kaso ang incumbent mayor dahil sa violation ng anti-graft law and the Revised Penal Code (Prohibition of Prohibited Interest by a Public Officer).
Umano, pinayagan ni Cesante ang kontrata na papabor sa asawa nito pagdating sa pag-upa sa apat na commercial spaces na pagmamay-ari ng bayan ng Dalaguete.
Binasura naman ng OMB ang motion for reconsideration ni Cesante. Taong 2007 nang pirmahan ni Cesante ang kontrata na hindi naman dumaan sa Sangguniang Bayan.
Pinagbabawalan ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang sinumang government officials na pumasok sa kontrata na may financial interes, direkta man o hindi direkta sa kanilang opisyal na kapasidad bilang tao ng gobyerno.
(Jun Ramirez)