TIAONG, Quezon – Inaresto ng mga pulis ang isang lalaki matapos na makumpiska sa kanya ang P354,000 halaga ng shabu, baril at bala sa isang operasyon na ikinasa laban sa isang wanted man sa Barangay San Pedro ng bayang ito nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ni Quezon police director Senior Supt. Eugenio Paguirigan ang nadakip na si Ricardo S. Giataw, 39, isang dayo sa lugar. Ayon sa report, ipapatupad sana ng mga operatiba ng Quezon Provincial Public Safety Company (QPPSC) at Tiaong Police ang arrest warrant laban sa isang Edilberto C. Paz na wanted sa kasong paglabag sa Republic Act 7166, RA 9165 at PD 1866.
Subalit habang papalapit ang mga pulis sa bahay ni Paz, namataan nila si Giataw na biglang tumakbo nang makita ang raiding teams.
Hinabol at nadakip ng mga pulis si Giataw at nakumpiksa sa kanya ang isang .38-caliber revolver na kargado ng anim na bala, at pitong pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P354,000, drug paraphernalia, at 10 piraso ng bala.
Nakatakas naman ang mismong target ng arrest warrant. (Danny J. Estacio)