Patay ang isang 20 taong gulang na pintor ng barilin umano siya ng isang pulis sa Novaliches, Quezon City noong Martes.
Kinilala ng Quezon City Police District ang biktima na si Emiliano Balmes ng Dupax Compound, Barangay Bagbag, Novaliches.
Batay sa paunang imbestigasyon ayon kay Senior Insp. Elmer Monsalve, hepe ng QCPD-CIDU homicide section, nakatanggap ng tawag ang QCPD Station 4 tungkol sa isang insidente ng pamamaril sa harap ng isang sanglaan sa Quirino Highway.
Agad na rumesponde ang mga pulis at nakita nilang nakahandusay sa kalye ang biktima at nakatayo at may hawak na baril ang suspect na si PO2 Julius Albao na nakatalaga sa QCPD Station 3.
Dinala ang biktima sa ospital kung saan siya idineklarang patay dahil sa tama ng bala sa tiyan. Kinumpiska ng mga pulis ang baril ng suspect at biglang dumating ang isang pulis na nakilala lamang na si SPO2 Ganias at nagpakilalang kasamahan niya si Albao sa QCPD Station 3.
Hiniling ni Ganias na kausapin niya ang suspect bago siya arestuhin. Pero nakatakas ang suspect habang sila ay naguusap.
Masusing iniimbestigahan ang insidente habang sumuko na sa mga pulis ang suspect upang magbigay linaw sa insidente. Kasalukuyang nakapiit ang suspect sa QCPD-CIDU at nahaharap sa kasong homicide. (Vanne Elaine P. Terrazola)