ANG maging isang mahusay na singer ang unang dream ng Kapuso singer-comedienne na si Denise Barbacena.
Noong sumali siya sa noo’y reality-based singing talent show na “Protégé: The Battle for the Big Break,” ang naging mentor niya ay ang rapper na si Gloc-9.
Si Denise na lang nga ang nanatiling aktibo sa batch nilang iyon. Wala na raw siyang balita sa mga ka-batch niya sa “Protégé” na sina Jensen Tenoso, Normer Limatog, Jr., Lira Bermudez, Lovely Embuscado at ang winner na si Krizza Neri.
“Yung iba po sa social media ko na lang nakukumusta. May kanya-kanya na rin siguro silang mga careers.
“Ako na lang po ang active sa batch namin. Nag-shift kasi ako from singing to acting. Enjoy naman po ako sa ‘Bubble Gang’ at nakakaapat na taon na pala ako sa show.
“First love ko pa rin naman ang singing. ’Yun ang gusto ko talaga.
“Dream ko pa rin ang magkaroon ng sarili kong album at magkaroon ng hit single na mada-download sa mga music streaming services.
“Pero dahil may opportunity tayong umarte muna, hindi ko naman tatanggihan na gawin ito.
“Nandiyan pa rin naman ang pangarap kong maging isang sikat na singer. Siguro nasa tamang panahon ang lahat.
“Ngayon ay comedy ang ginagawa ko. Tulad nga po sa ‘Bubble Gang’ at sa sexy comedy series na ‘A1 Ko sa ’Yo’ kung saan gumaganap ako na kikay na anak nila Gardo Versoza and Ms. Jaclyn Jose.”
Pinagpapatuloy din ni Denise ang kanyang pag-aaral ng kursong Medical Technology sa Fatima University in Antipolo City kung saan nasa 4th year na siya. Pangarap din kasi niyang maging isang doktor. (Ruel J. Mendoza)