Isusulong ng pamilya ng tatlong biktima ng Pasay City concert noong nakaraang buwan ang isang class suit laban sa mga organizers at sponsors.
Ayon sa abogadong si Jose Cabochan, nagkaisa ang mga pamilya nina Bianca Fontejon, Ariel Leal, at Ken Miyagawa na kasuhan ang mga organizers at sponsors ng concert sa isang pulong sa National Bureau of Investigation-Death Investigation Division sa Manila kahapon.
Sinabi ni Ariel Radovan, isang abogado ng mga biktima, na may matibay silang ebidensiya laban sa mga organizers at sponsors pero inaasahan nilang tatapatan nila ang mga ito at sasabihing tinupad nila ang mga kaukulang hinihingi sa concert.
Idinagdag ni Radovan na hindi nila hinahabol ang mga taong nagtulak umano ng bawal na gamot sa concert kundi ang mga organizers at sponsors na may pananagutan dahil namatay ang mga biktima sa kanilang concert.
Ikinalungkot ni Radovan ang hindi pagbibigay ng kontrata ng isang organizer sa NBI-DID. Aniya, dapat binigyan ng naturang organizer ng kopya ng kontrata ang NBI-DID upang matukoy kung sino sa mga organizers, security, at bouncers ang dapat managot sa insidente. (Argyll Cyrus B. Geducos)