GENERAL SANTOS CITY – Nanawagan si South Cotabato Gov. Daisy Fuentes sa mga hinihinalang drug pushers sa lalawigan na sumuko na sa pulisya bago pa man sila tamaan ng “kamay na bakal” na gagamitin ng bagong halal na Pangulong Rodrigo Duterte para mapuksa ang problema sa bawal na gamot sa loob ng anim na buwan.
Ginawa ni Fuentes ang panawagan noong Linggo bilang pagsuporta sa ilulunsad ni Duterte na malawakang kampanya laban sa droga sa kanyang pag-upo bilang Pangulo ng bansa sa Hunyo 30.
Sabi ng gobernador na may sapat na oras pa para sumuko ang mga drug pushers at traffickers na nasa lalawigan bago pa sila maging biktima ng “shoot-to-kill” order ni Duterte.
Tinatayang nasa 30 drug personalities na nasa police watch list ng lalawigan ang sumuko na sa pulisya noong nakaraang lingo.
Nagpahayag ng pagka-alarma si Fuentes sa lumalalang problema sa bawal na gamot sa probinsiya. (Joseph Jubelag)