PAGBILAO, Quezon – Umabot sa 42 na katao, kabilang ang apat na dayuhan, ang isinugod sa mga ospital matapos na tumagilid ang sinasakyan nilang bus habang binabagtas ang pababang bahagi ng New Diversion Road sa Sitio Upper Sapinit, Barangay Silangang Malicboy ng bayang ito nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni Senior Inspector Jaytee Tiongco, Pagbilao police chief, ang apat na dayuhang nasugatan na sina James Alexander Herrington, 25, ng England; Zoe Alexandra Lamb, 25, isang teacher; Harry Roland Muller, 60; at Wei Cheng Lien, 30, isang engineer.
Silang apat, kasama ang 38 iba pang pasahero, ay dinala sa iba’t ibang ospital sa Lucena City. Ayon kay Tiongco, 24 sa mga biktima ang nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.
Base sa police report, natumba nang patagilid ang DLTBCo bus (AAX1694) na minamaneho ni Robert Tabago de Guzman nang hindi niya ito makontrol habang dumadaan sa basang parte ng New Diversion Road bandang 5:20 pm. (Danny J. Estacio)