Binugbog umano ng mga jeepney drivers at barkers ang isang pulis na nakatalaga sa National Capital Regional Police Office-Regional Police Holding Administrative Unit dahil sa alitan sa trapiko sa Quezon City noong Martes.
Kinilala ng Quezon City Police District Station 1 ang biktima na si PO1 Audrey Vidanes, 34, may asawa, at residente ng 777-B Gabriela St., Barangay 52, Tondo, Manila.
Ayon sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang Hyundai Tucson nang biglang may ibinato sa likod ng kanyang sasakyan sa kanto ng NS Amoranto Ave. at Banawe St., Barangay St. Peter.
Bumaba ang biktima at bigla siyang sinugod ng driver ng pampasaherong jeepney na armado ng tubo.
Kinuha ng biktima ang kanyang baril pero siya ay kinuyog ng mga kasama ng suspect. Inagaw ng mga suspek ang baril ng biktima at tumakas sakay ng jeepney na may plakang PDR-168.
Narekober ang baril ng biktima ng isang residente at kanyang ibinigay sa mga barangay tanod. Natagpuang abandonado ang jeepney sa kanto ng CDC at Iba Sts., Barangay Paang Bundok, Quezon City.
Nakilala ang isa sa mga suspek na si Bilward Ricafort, alias “Billy,” “Castro,” at “Ryan.” Napagalamang alitan sa trapiko ang ugat ng insidente at pinaghahanap ng mga pulis ang mga suspek. Hawak na ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang kaso. (Francis T. Wakefield)