ROSARIO, Agusan del Sur – Dahil sa takot na maging target ng naka-ambang malawakang kampanya laban sa bawal na gamot, 200 drug users at pushers ang sumuko sa pulisya sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur, nitong nakaraang Miyerkules.
Nagulat ang mga miyembro ng Rosario police nang sabay-sabay na lumantad ang mga markadong drug pusher and addict sa police station at sumumpang magbabagong buhay na.
Ayon kay Inspector Christopher Q. Viajar, nagpasyang sumuko ang mga taong nasa police drug watchlist sa takot na mapatay or masampahan ng kaso.
Galing sa barangay ng Bayugan lll, Sta. Cruz, Wasi-an, Novele, at ilan pang kalapit na lugar sa Rosario ang mga sumuko sa pulisya.
Ginawa ng mga naturang drug pusher at user ang panunumpa ng pagbabagong buhay sa Bayugan II covered court noong Miyerkules ng hapon sa harap ng mga opisyales ng bayan at police.
“All of them executed an affidavit in our station that they will not anymore get involved in illegal drugs,” sabi ni Rosario police spokesperson PO3 Rosa Dasmariñas.
Naganap ang maramihang pagsuko ng mga drug pushers at users matapos na maglaan si incoming President Rodrigo Duterte ng R3 milyong pabuya para bawat drug lord na mahuhuli, patay man o buhay.
Ayon pa kay Dasmarinas, patuloy na isasagawa ng pulisya ang pagsasagawa ng “Oplan TokHang” o Toktok Hangyo, ang pagbisita sa mga bahay ng mga taong sangkot sa droga upang sabihan sila na itigil na ang kanilang illegal na gawain.
“We will also continue monitoring these suspects who yielded to us if they will really adhere to their commitment affidavit they signed,” dagdag pa ni Dasmarinas. (Mike U. Crismundo)