CEBU CITY – Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang kilabot na drug pusher sa Cebu City matapos na makumpiska sa kanya ang R1.6 milyon halaga ng shabu sa isanagawang buy-bust operation, Miyerkules ng gabi.
Kaagad na pinosasan ang suspek na si Giovanni Quirante Llego nang makuha sa kanya ang mahigit isang kilo ng bawal na droga.
Base sa PDEA report, dinakip si Llego, residente Barangay Langin, Ronda, habang hinihintay niya ang kanyang kliyente bandang 6:30 p.m., Miyerkules.
Ayon kay PDEA information officer Leah Alviar, minanmanan munang mabuti si Llego bago isinagawa ang patibong laban sa kanya.
Sinabi ni Alviar na naging matagumpay ang kanilang operasyon matapos na ma-contact ng mga tauhan ng PDEA ang tiyuhin ng suspek na nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa para umorder ng shabu sa kanya. (Mars W. Mosqueda, Jr.)