Walang pang isang buwan matapos ang Close Up Forever Summer tragedy ay tatlong partygoers ang naaresto matapos mahulihan umano ng hinihinalang party drugs sa isang party sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay City Police Chief Sr. Supt. Joel Doria ang mga suspek na sina Marc Dexter Chua, 28, ng No. 23-N Arfel Danville Subd., Culiat, Quezon City; Leah Reyes, 31, residente ng No. 2 Apple St., Dividend Homes, Taytay, Rizal; at Shelumiel Calica, 18, estudyante ng No. 228 Savio St., Mayapa Calamaba, Laguna.
Ang tatlo ay sinasabing kasama sa Innovation White dance party na inorganisa ng Bigfish International production at dinaluhan ng 2,000 katao Biyernes ng gabi sa World Trade Center.
Nahuli ang tatlo sa magkakahiwalay na area sa loob ng event kung saan nahulihan ang mga ito ng hinihinalang ecstacy.
Si Calica naman ay nahulihan din ng isang improvised pipe na posibeng ginamit sa marijuana.
“Actually, on-going ang party nang mahuli sila so sa entrance pa lang nakapkapan na, ‘yong mga papasok ‘yon” ani Doria.
Noong nakaraang buwan ay limang partygoers din ang namatay sa Close Up Forever Summer event kung saan iligal na droga din ang sinasabing dahilan ng pagpanaw ng mga ito.
Samantala ang tatlong nahuli ay dinala sa Southern Police District-District Anti Illegal Drugs Division (SPD-DAID) sa Taguig City at haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 or Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Martin A. Sadongdong)