Tinutulan kahapon ng Malacañang ang mungkahing buwagin ang Commission on Human Rights pagkatapos itong batikusin dahil umano sa pagpanig nito sa mga suspect kaysa sa mga biktima ng isang colorum van robbery-rape incident kamakailan sa Quezon City.
Umani din ng batikos ang CHR dahil sa plano nitong imbestigahan ang Quezon City Police District dahil sa pagkamatay ng isang suspect sa insidente sa kustodiya nito.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., hindi ganun kadaling buwagin ang CHR dahil ito ay itinatag ng Saligang Batas.
“Paano namang napakabilis ‘nong pagsasabi na buwagin ito? Saan kaya nanggagaling ‘yun? May katwiran kaya ‘yun?
Samantalang, malinaw naman ang function nito,” sinabi ni Coloma.
Sinabi ni Coloma na ang CHR ay isang malayang kagawaran na itinatag ng Saligang Batas na ang pangunahing layunin ay imbestigahan ang lahat ng uri ng paglabag ng karapatang pantao.
“The Commission is empowered to investigate all forms of human rights violations involving civil and political rights; adopt rules of procedure and issue contempt citations; provide appropriate legal measures for the protection of human rights of all criminals within the Philippines; and several other powers in relation to the protection of human rights,” sinabi ni Coloma. (Madel S. Namit)