Pinasinungalingan ng labing-anim na kinukunsiderang “high profile” inmates ng New Bilibid Prison (NBP) ang balita na nag-aambagan sila para makabuo ng pabuya laban kay President-elect Rodrigo Duterte.
Pinadala ng mga nasabing preso ang kanilang manifesto kay Justice Secretary Emmanuel Caparas sa pamamagitan ng abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na pinirmahan naman nina Jaime Patcho, German Agojo, Mario Tan, Jerry Pepino, Engelberto Durano, Rodel Castellano, Tomas Donina, Noel Martinez, Eustaquio Cenita, Herbert Colangco, Jojo Baligad, Clarence Dongail, Rico Caja, Joel Capones, Gilberto Salguero, at Edgar Sayo Cinco.
Inilabas ng mga ito ang naturang manifesto bilang tugon sa pahayag ni incoming PNP chief Ronald dela Rosa na naglatag na umano ang mga sinasabing drug lords ng pabuya laban sa kaniya at kay Duterte.
Ayon sa mga preso, isa umanong paraan ito ng mga tiwaling opisyal ng NBP para ma-kondisyon ang isipan ng mga tao sakali man na may mangyaring masama sa kanila.
“Nangangamba kami na ito ay maaring paraan ng ‘public conditioning’ para kami ay tuluyang patahimikin ng mga tiwaling opisyales at tuluyang ibaon ang mga kurapsyon na nangyayari sa loob ng NBP noong nakaraang administrasyon,” ayon sa manifesto.
Naniniwala ang mga ito na may masamang balak ang kasalukuyang namamahala sa NBP para sila ay patahimikin at maiwasan ang pagbubulgar sa nalalaman nilang katiwalian.
Samantala nanawagan din ang mga ito kay Duterte na magpadala ng kaniyang tao at magsagawa ng imbestigasyon sa loob ng pasilidad.
“Kami ay umaasa na sa ilalim ng bagong administrasyon ay makakamtan namin ang katarungan ng ipinagkait sa amin ng nakaraang administrasyon,” ang nakasaad sa manifesto. (Jeffrey Damicog)