PUNO ng kasiyahan at karangalan si Johan Santos dahil ang kauna-unahan niyang title role sa pelikula ay para sa isang advocacy movie na tumatalakay sa taong may Down Syndrome, ang “Ku’Te,” sa ilalim ng direksyon ni Ronaldo “Roni” Bertubin.
Ginagampanan ni Johan ang role ni Emong, na ang kapatid na si Lenlen ay may Down Syndrome.
“I’m so overwhelmed na napunta sa akin ang title role dito sa ‘Ku’Te,’ siyempre kasama si Marielle Therese, na kapatid ko sa movie. Ibinibigay ko ’yung credit kay direk Roni talaga.’’
Ang role na Lenlen ay ginagampanan ni Marielle Therese, isang baguhang aktres na totoong may kundisyong Down Syndrome.
“Naku tiyak na marami ang matutuwa at mapapaluha ni Lenlen. Si Marielle Therese, kahit may Down Syndrome, madaling makatrabaho, mabait, malambing at talagang naiintindihan niya ang mga pinagagawa sa kanya.’’
Ang “Ku’Te,” na mula sa produksyon ng PRO.PRO, ay isa sa mga pelikulang Pilipinong kasali sa World Premieres Film Festival-Philippines, na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP). Gaganapin ang festival mula June 29 hanggang July 10, 2016. Ang mga aktibidad para sa World Premieres Film Festival-Philippines ay magaganap sa Cinematheque Center Manila na matatagpuan sa 855 TM Kalaw St., Ermita, Manila.
Ipalalabas din ang “Ku’Te” sa mga SM Cinemas – July 1 Gala Premiere (6 p.m.), SM North EDSA; July 3 (7 p.m.), SM North EDSA; July 4 (7 p.m.), SM North EDSA; July 7 (5 p.m.) SM Megamall; July 8 (5 p.m.), SM Megamall; at July 10 (7 p.m.), SM Megamall. (GLEN P. SIBONGA)