CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Dalawang kapitan ng barangay at anim na iba pa ang inaresto ng mga tauhan ng Daraga Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang anti-illegal gambling operation sa Barangay Sipi, Daraga, Albay, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni Senior Inspector Malu Calubaquib, Police Regional Office (PRO-5) spokesperson, ang mga nadakip na kapitan ng barangay na sina Wilfredo Nacion Nayve, 47, ng Market Site, Daraga, Albay; at Nap Cardel, 53, ng Barangay Binanuahan, Legazpi City.
Inaresto and dalawang barangay chairmen kasama ang anim na iba pa nang makita ng mga pulis sa aktong naglalaro ng “poker” sa Maranaw Restobar sa Baragay Sipi, Daraga.
Nakumpiska sa mga suspek ang P271,942.75 halaga ng mga taya. Dinala ang mga nadakip kasama ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Daraga MPS para masampahan ng kasong paglabag sa Philippine Gambling Law. Ikinaila ng mga nadakip na naglalaro sila ng “Poker”. (Niño N. Luces)