Sa loob ng 25 taon, nabuo hindi lamang ang propesyunal na relasyon kungdi maging ang pagkakaibigan sa pagitan nina Davao cameraman Rene Lumawag at incoming president Rodrigo Duterte.
Sa mga lente ni Lumawag ay nakunan nito ang karamihan sa mga naging pagkilos ni Duterte bilang isang politiko na may puso sa mga naapi at gayundin ang pagpapahalaga nito sa mga naging tunay na kaibigan.
Mula sa pag-aresto sa mga kriminal, pagtulong sa mga batang palaboy, hanggang sa hilig nito sa mga magagandang baril, ang lahat ng mga ito ay hindi nakaligtas sa camera ni Lumawag.
“May isang kriminal, nakalimutan ko na lang yung kaso, iniharap sa kaniya na kasama yung dalawang taong gulang na anak na may sakit,” pagsasalarawan ni Lumawag. “Una niyang ginawa ay ipinadala agad sa ospital yung bata at ipagamot.”
Bukas ay magkakaroon ng photo exhibit si Lumawag kung saan ipapakita nito ang 30 sa mga pinakamagagandang larawan nito kay Duterte na gaganapin sa Ayala Abreeza Mall sa Davao City.
Bali-balita naman na si Lumawag ang posibleng maging chief photographer ng Malacañang oras na maupo si Duterte.
“Mas gusto ko na ibigay na lamang sa mga bata. Ayoko din na malayo sa pamilya ko sa Davao,” pahayag ni Lumawag.