Magaganap ang pinakaaabangang Philippine Racing Commission’s Triple Crown Series, gayundin ang Hopeful at 3YO Locally-Bred Stakes race sa Hulyo 10 at San Lazaro Leisure Park.
Nagwagi ang Radio Active sa unang leg ng serye na ipinarehas sa pamosong Triple Crown sa Amerika na binubuo ng Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes.
Ngunit, nabigo ang Radio Active na makalapit sa prestihiyosong kampeonato, nang maungusan ng Dewey Boulevard sa ikalawang leg kamakailan sa Metroturf Racecourse sa Malvar, Batangas.
Nasa pangangasiwa ni Herminio S. Esguerra at sinanay ni Ruben S. Tupas, ang tatlong taong colt ay nakagawa ng tiyempong 1:52 (13’-22’-24-23’-28’) para sa 1,800-metrong distansiya.
Ginabayan ang Dewey Boulevard ni jockey Jonathan Hernandez, na napatawan ng multang R1,000 dahil sa wala sa lugar na pagtayo sa ibabaw ng kabayo bago dumating sa finish line.
Naiuwi ng Dewey Boulevard ang premyong P1.8 milyon.
Nakopo naman ng first-leg winner Radio Active ng SC Stockfarm Inc. ang P675,000 premyo bilang runner-up, habang ang coupled entry na Underwood (third) at Space Needle (fourth) ay may P375,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod.
Inilunsad ang serye noong 1978 kung saan napagwagian ng Native Gift ang unang dalawang leg bago nakasingit ang Majority Rule. Sa kasaysayan, 10 pa lamang ang nakapagwagi ng Triple Crown, kabilang ang Fair and Square (1981), Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014).