Tinatayang nasa mahigit 700 na hinihinalang drug pushers at users ang sumuko sa mga iba’t ibang istasyon ng Quezon City Police District kahapon.
Napuno ang QCPD covered court sa Camp Karingal, Quezon City kung saan dinala ang mga suspect na mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod kasabay ng paglulunsad ng kampanyang “Oplan: Kapak” o “Katok at Pakiusap.”
Ang pagsuko ng mga suspect ay bahagi ng kampanya na kung saan hinihikayat ang mga sangkot sa illegal drugs ng mga barangay officials na sumuko sa mga otoridad.
“Gusto lang po nating linawin dito na boluntaryong nagpunta po ang mga taong ito kasabay po ng ating mas pinaigting at patuloy na kampanya laban sa iligal na droga,” sinabi ni Chief Supt. Edgardo G. Tinio, hepe ng QCPD.
“Sa pamamagitan po ng ‘Oplan: Kapak’, pinupuntahan o kinakatok po ng ating mga kapulisan kasama po ng mga opisyal ng mga barangay ang mga lugar na nasasakupan nila at pinkakikiusapan po nila ang mga indibidwal na maaring sangkot sa iligal na droga na itigil na ang kanilang mga iligal na gawain,” dagdag ni Tinio.
“Dito, hinihikayat ang mga indibidwal na ito na boluntaryong pumunta sa barangay o police stations upang sumailalim sa inisyal na proseso ng pagrekord sa kanilang impormasyong ibibigay bago sila boluntaryong magpa-drug test.
Hinihikayat din po natin dito ang mga sinumang lulong na sa iligal na droga na magpa-rehabilitate upang tuluyang magbago.
“Kinausap natin ang ating mga barangay officials, kung saan mataas ang bilang ng drug trafficking, para ipaabot sa mga constituents na sila ay magsurrender na lang para matulungan sila, dahil we treat them as victims,” sinabi ni Senior Supt. Joselito Esquivel Jr., QCPD deputy district director for operations.
Umaasa ang QCPD na mas marami pang drug pushers at users ang susuko sa mga susunod na araw dahil sa pinaigting na kampanya laban sa bawal na gamot.
Samantala, isang hinihinalang drug pusher ang namatay sa isang anti-drug operation sa Market 3 ng Navotas City Fishport noong Huwebes. Kinilala ng mga pulis ang suspect na si John Erwin David, 23.
Labingtatlong katao ang arestado pagkatapos mahuli sa isang pot session. Ang mga suspect ay kinilalang sina Jun Roxas, 35; Frederick Tolda, 43; Wilson Tanago, 31; Ruben Custodio, 30; Arman Andaya, 25; Michael Devibar, 45; Robert Lim, 35; Evangeline Solario, 40, Jericho Horepolya, 23; Virgilio “Bong Piso” Bautista, 42; Raymart “Imaw” Crehencia, 29; at Norbie Mercado, 38; at isang menor de edad.
Ayon kay Senior Supt. Dante Novicio, Navotas police chief, binaril si David pagkatapos manlaban sa mga pulis na nagtangkang arestuhin siya.
Narekober sa mga suspect ang hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Sinabi ng mga pulis na pugad ng bawal na droga ang Market 3.
(Vanne Elaine P. Terrazola, Francis T. Wakefield, and Jel Santos)