ILOILO CITY – Tinatayang nasa P8.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO) sa loob lamang ng anim na buwan ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Senior Superintendent Roderick Alba, IPPO chief, ang R8.7 milyon ay katumbas ng 1,448.06 gramo ng shabu na nakumpiska sa anti-drug operations na isinagawa sa 42 bayan at Passi city ng lalawigan.
Sinabi ni Alba na nakapagtala ang IPPO ng 163.72 porsiyento ng pagtaas ng bilang ng naarestong drug personalities sa pagitan ng January at June 23, 2016.
Umabot sa 298 druggies ang naaresto sa 185 police operations. Nakapagsampa rin ang IPPO ng 493 kaso laban sa mga taong dinakip dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kumpara sa nakaraang taon, tumaas ng 150.25 porsiyento ang bilang ng naisampang kaso ng IPPO ngayon. (Tara Yap)