Patay ang tatlong hinihinalang tulak ng bawal na gamot nang sila ay manlaban sa mga pulis sa isang buy-bust operation sa Quezon City noong Biyernes.
Kinilala ni Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng Quezon City Police District-CPD-District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group, ang dalawa sa mga suspek na sina alias “Vergel” at alias “Darwin.”
Magkakabentahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,000 ang mga suspek at mga pulis ng malaman nilang otoridad ang kanilang katransaksyon sa isa umanong drug den sa Barangay UP Campus.
Bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ng putok ang mga pulis at nasawi ang mga suspek. Ang operasyon ay resulta ng impormasyon na galing sa mga sumukong tulak ng bawal na gamot sa Quezon City noong Biyernes.
Sinabi ni Figueroa na ang dalawa ay miyembro ng kilabot na Joselito Gonzales Drug Group. Ang naturang grupo ay kumikilos sa Bulacan, Taguig City, at sa Caloocan City, Malabon City, Navotas City, at Valenzuela City o Camanava.
“Iyung dalawa eh kumpirmadong members ng grupo habang iyung isa eh vini-verify pa namin ang pagkakilanlan at kung member din ng group,” sinabi ni Figueroa. (Francis T. Wakefield)