Binigyan ng hero’s welcome si Cheska Centeno matapos maging pinakabatang kampeon sa larangan ng bilyar at pinakabagong milyonaryo sa bansa sa pagbabalik nito sa kanyang bayan sa Zamboanga City.
Ang 16-anyos at dating World Junior 9-Ball gold medalist na si Centeno, na iseselebra ang kanyang ika-17 kaarawan sa Hunyo 30, ay sinalubong mismo ng isang makulay na parada bago nagbigay ng courtesy call kay Zamboanga City Mayor Bing Climaco.
Iniuwi ng papaangat na Pilipinang bilyarista na si Centeno ang pinakauna nitong internasyonal na korona matapos talunin ang beterano na si Kelly Fisher ng Great Britain, 11-8, para mapagwagian ang Amway eSpring International 9-ball Championship nakaraang Linggo ng gabi sa Banqiao Gymnasium sa New Taipei City.
“Masayang-masaya po dahil napatunayan ko sa sarili ko na kaya ko na talunin ang pinakamagagaling sa buong mundo,” sabi ni Centeno, na dumalo sa Coffee-table book launching at nagbigay kortesiya din kay outgoing PSC Chairman Richie Garcia Huwebes.
“Next tournament ko po is the World 8-Ball Championship sa China,” sabi ng ikaanim sa pitong magkakapatid na si Centeno, na nagsimulang maglaro ng bilyar sa edad na limang taon at nadiskubre sa edad na 11-taon ng sumali sa Dumaguete Philippine National Games at talunin ang miyembro ng pambansang koponan para sa ikatlong puwesto.
“Pinaghahandaan na po namin ang Malaysia SEA Games,” sabi ni Centeno, na ginigiyahan ni Rodolfo “Boy Samson” Luat bilang coach, para ipagtanggol ang kanyang titulo sa 9-ball sa kada dalawang taong torneo.
Si Centeno ay tinanghal na 2015 Shanghai World Games at 2015 Singapore SEA Games 9-Ball champion. (Angie Oredo)