Nagtala ng bagong deadlift world record ang “small but terrible “ na si Joan Masangkay sa pagbuhat nito sa 110.5-kilograms tungo sa gold medal finish sa women’s 43-kg. sub-junior division ng 2016 World Classic Powerlifting Championships kamakailan sa Killeen, Texas, USA.
Inakala ng lahat na tapos na ang labanan nang iangat ni Alina Chashchyna ng Belarus ang 110 kg. na isa na ring pandaigdigang marka. Pero hindi sumuko ang 4-foot-10 na Masbate native at Quezon City resident upang tabunan ang marka at itaas ang bandila ng Pilipinas.
Unang nakipagkasundo si Masangkay kina Powerlifting Association of the Philippines president/coach Eddie Torres, director Cirilo Dayao at assistant coach Leslie Evangelista na magdagdag ng kalahating kilo sa kanyang third and final attempt upang biguin ang mga malalaking bansa tulad ng USA, Russia, Japan at Belarus.
Lalo pang lumakas ang loob niya nang ipangalandakan ng emcee na, “It’s a serious question of the day if Joan Masangkay can lift this 110.5kg” na pinagmatagumpayan nga nito at umeklipse sa nagawa ng Belarusian. (Angie Oredo)