Sinolo ni Grandmaster John Paul Gomez ang liderato sa men’s division habang nanatili ang Women Grandmaster candidate na si Women International Master Janelle Mae Frayna sa unahan ng ladies division matapos ang round 11 ng 2016 National Chess Championships Grand Finals-Battle of Grandmasters sa PSC National Athletes Dining Hall.
Binigo ni Gomez sa 42 moves ng Scandinavian opening ang National Master na si Emmanuel Emperado upang ipunin ang kabuuang 7 ½ puntos mula sa posibleng 11 upang asamin ang isa sa tatlong nakatayang silya para sa pambansang koponan na sasabak sa 42nd Baku World Chess Olympiad sa Setyembre.
Sunod na makakalaban ni Gomez ang tabla sa tatlo kataong ikalawang puwesto na si International Master Paolo Bersamina na nangungunyapit sa unahan matapos na makipag-draw kay GM Rogelio Barcenilla para makapagtipon ng kabuuang 7 puntos.
Katabla ni Bersamina sina GM Jayson Gonzales na tinalo si IM Chito Garma sa 53 moves ng Benoni opening at si Rogelio Antonio Jr. na binigo ang qualifier na si John Marvin Miciano sa Caro-Kann opening sa 43 moves para makuha ang isang buong puntos na nagtulak dito sa ikalawang puwesto matapos manatili sa ikapitong puwesto.
Napanatili naman ni Frayna ang solong liderato matapos ang 39 moves ng Birds opening para makipaghatian ng puntos sa kapwa nito WIM na si Beverly Mendoza sa kabuuang nitong 8 puntos. (Angie Oredo)