BUTUAN CITY – Anim na katao, kasama ang isang menor de edad, ang naaresto habang tinatayang nasa R1.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang magkahiwalay na police raids sa Barangay Doongan at Ong Yiu District ng lungsod noong nakaraang Sabado.
Kinilala ni Supt. Michael B. Lozada, hepe ng Regional Public Information Office ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13), ang mga naaresto na sina Lauro Mendez, 33; Jeraian Mendez, 23, mga residente ng Barangay Doongan; at Roel Dumaplin, Ramil Pilar, Roy Antipasado, Eduard Busa, at isang 15-anyos na binatilyo.
Sinalakay ng Butuan city policemen ang bahay ni Lauro Mendez bandang 2:50 p.m. Sabado sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Eduardo S. Casals of Regional Trial Court (RTC) Branch 1, Libertad Butuan City.
Nakumpiska sa lugar na iyon ang 10 pakete na naglalaman ng 102.5 gramo ng shabu nagkakahalaga ng P1,209,000, sabi ni Lozada.
Nakuha kay Jeraian Mendez ang 2.4 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P28,320. Sa raid na isinagawa sa Ong Yiu District, nahuli ng mga pulis ang apat pang suspek sa aktong sumisinghot ng shabu.
Nasamsam sa mga suspek ang P141,600 halaga ng shabu. Nakakulong ngayon ang mga suspek sa police station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Mike U. Crismundo)