URDANETA CITY, Pangasinan – Isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang pulis ang naaresto at sinampahan ng kasong murder kahapon.
Kinilala ni Supt. Jeff Fanged, hepe ng pulisya, ang suspek na si Ronaldo Esteves, alias Jun Esteves o Baboy. Isinampa laban sa kanya ang kasong murder sa City Prosecutor Office sa Barangay Anonas.
Base sa imbestigasyon, minamaneho ng biktimang si PO3 Marman dela Cruz, nakatalaga sa Police Community Precinct 1, Urdanita City, ang PNP mobile patrol car kasama ang isang sibilyan na si Enzo Ruiz, 19, nang tambangan sila ng grupo ng kalalakihan na lulan ng isang Toyota Corola.
Ayon sa police report, patungong presinto na ang dalawa nang maganap ang ambush bandang 11:30 p.m. noong Hunyo 23.
Isinugod ang mga biktima sa Sacred Heart Hospital kung saan nalagutan ng hininga si Dela Cruz sa oras na 1:20 a.m., Hunyo 24.
Nakaligtas naman si Enzo. Na-recover sa pinangyarihan ng krimen ang 13 basyo ng bala at apat na tingga mula sa 40-caliber gun, at ang Glock 17 service firearm ni PO3 Dela Cruz.
Sinabi ni Fanged na kilala na rin nila ang dalawa pang suspek at kasalukuyang ngayong pinaghahanap ng pulisya.
“May kinalaman sa droga ang pagpatay dahil naging mahigpit ito (biktima) sa kampanya,” sabi in Fanged. (Liezle Basa Iñigo)