BUTUAN CITY – Naaresto ng tropa ng gobyerno ang isang wanted na New People’s Army (NPA) leader na may P5 milyon patong sa ulo sa isang operasyon sa Barangay Bongabong, Pantukan town, Compostela Valley, kamakailan.
Kinilala ni Capt. Rhyan B. Batchar, Public Affairs Office (PAO) head ng Army’s Southern Mindanao 10th Infantry (Agila) Division (10th ID), ang nadakip na si Eddie Genelsa, commanding officer ng Pulang Bagani Company 3 (PBC 3) ng CPP-NPA Southern Mindanao Regional Committee.
Ayon kay Batchar, si Genelsa ang itinuturing na pang-19 na most wanted person sa Pantukan, ComVal province.
Inaresto ang suspect sa bisa ng warrants of arrest na ipinalabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 3, 11th Judicial Region, dahil sa mga kasong murder, frustrated murder at robbery, sabi ni Batchar.
“Genelsa has an existing R5-million reward for his capture, making him at par or the same level with Leoncio Pitao alias ‘Kumander Parago’, commanding officer of the NPA-PBC 1, who was killed in an encounter with government troops a year ago,” pahayag ni Batchar.
Siya rin diumano ang responsable sa pagkakapatay ng maraming sibilyan at sundalo, pagkasira ng mga ari-arian sa ComVal, ayon pa kay Batchar. (Mike U. Crismundo)