ILOILO CITY – Nadakip ng mga tropa ng gobyerno ang isang babaeng leader ng New People’s Army (NPA) sa Siaton, Negros Oriental, noong Miyerkules ng gabi.
Kinialala ni Lieutenant Colonel Ray Tiongson, chief spokesman ng Philippine Army’s 3rd Infantry Division (3ID), ang nadakip na si Marilyn Badayos, alyas “Mita.”
Naaresto si Badayos ng mga elemento ng Police Regional Office (PRO-Negros Island Region) at 3ID habang patungong Dumaguete City sakay ng motorsiklo.
Napag-alaman na may arrest warrant na ipinalabas ang korte laban kay Badayos dahil umano sa kanyang pagkakasangkot sa pagpatay kay Private First Class Marlon Lanes.
Si Lanes ay nakatalaga sa 79th Infantry Battalion (79 IB) nang siya’y mabaril at mapatay sa Bais City noong July 2014.
Ayon kay Colonel Francisco Delfin, commander ng 303rd Infantry Brigade (303 IB), itinuro ng mga ex-NPA rebels si Badayos na siyang namuno sa pag-atake sa mga sundalo, pulis at mga sibilyan sa Negros Island. (Tara Yap)