BUTUAN CITY – Isang radio commentator ang malubhang nasugatan nang pagbabarilin ng dalawang nakamotorsiklong lalaki habang siya’y papasok sa kanyang bahay sa Purok 2, Sitio Bioborjan, Barangay Rizal, Surigao City, nitong Huwebes ng hapon.
Ayon sa report ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13), tatlong bala ang tumama sa likod ni Saturnino “John” Estanio, Jr., 40, isang anti-drug radio commentator ng DXRS-Radyo Mindanao Network (RMN) na nakabase sa Surigao City, nang paulanan siya ng bala ng dalawang lalaking armado ng .45-caliber pistol.
Nasa maayos na kondisyon na ang biktima matapos sumailalim sa operasyon sa isang ospital sa Surigao City.
Samantala, patuloy pa rin inoobserbahan ang mga doktor ang kondisyon ng kanyang 12-gulang na anak na si Anjoever Saturnino Estanio lll, Grade 6 student, na tinamaan din ng bala sa dibdib sa naganap na pamamaril.
Tinamaan din ng bala sa kanang balikat ang isang bystander na si Allan T. Canibel, 52, ayon sa police.
Base sa police report, papasok na ang biktima sa kanyang bahay kasama ang kanyang anak nang biglang dumating ang dalawang salarin sakay ng isang black XRM motorcycle na walang plaka at pinaputukan siya.
Bagamat sugatan, nagawa pa ni Estanio na magneho ng kaniyang kotse patungo sa pinakamalapit na ospital, ayon sa police.
Patuloy na sinisiyasat ng Surigao city police ang insidente, at isa sa mga tinitingnang anggulo ay ang kanyang pagbatikos sa illegal drugs at illegal gambling sa kanyang lugar.
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Butuan City, Agusan media group ang pamamaril kay Estanio, ang kauna-unahang insidente ng media shooting na naganap sa unag araw ng pag-upo ni President Rodrigo Duterte. (Mike U. Crismundo)