Maipagpapatuloy ni Asia’s first Grandmaster Eugene Torre ang mahabang kasaysayan sa World Chess Olympiad matapos itong irekomenda mismo ng kapwa GM na si Jayson Gonzales na pumalit sa kanya sa Philippine men’s chess team na sasabak sa 42nd Chess Olympiad 2016 sa Baku, Azerbaijan sa Setyembre 1-14.
Nagkuwalipika si Gonzales sa pambansang koponan matapos tumabla sa liderato subalit kinapos sa tiebreak para sa korona sa nagtapos na Battle of Grandmasters na napanalunan ni Rogelio Antonio Jr. subalit ibinigay nito ang puwesto kay Torre bilang miyembro ng five-man national chess team.
“Ang gusto nila (National Chess Federation of the Philippines), sasama ako pero hindi para maglaro sa men’s team, kundi ang mag-concentrate sa pagka-captain o pagku-coach sa women’s team,” paliwanag ng 47-anyos mula sa Quezon City na si Gonzales.
“Gusto ko mang maglaro, mas mahalaga pa rin ang sumunod tayo sa higher authority kung ano ang utos sa atin,” sabi ni Gonzales na executive director din ng NCFP at madalas italagang tournament director ng mga palaro ng pederasyon.
“Hindi din natin maisasantabi kung kasama si coach Eugene sa team natin dahil nirerespeto siya sa buong mundo at maganda ang liderato. Sinusunod din siya halos lahat ng players natin at iginagalang din kahit mga foreign chess players,” sabi pa ni Gonzales. (Angie Oredo)