Hindi na sa dating base militar sa loob ng Clark sa Angeles City sa Pampanga itatayo ang ninanais na Olympic Training Center kundi sa mas tahimik at napakaligtas na lugar sa Davao City.
Ito ang isa lamang sa mahabang pinag-usapan ng papalit na pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ilalim ni Butch Ramirez at ang makakatapat nito sa Philippine Olympic Committee (POC) na nananatili sa ilalim ng pamumuno ni dating Cong. Peping Cojuangco Jr.
Napag-diskusyunan ang pagtatayo ng National Training Center sa Davao City matapos magpulong sina Ramirez at Cojuangco Miyerkules ng hapon kung saan kabilang sa naging pangunahing usapin ang muling pagho-host ng bansa sa kada dalawang taong 2019 Southeast Asian Games.
Inihayag din ni Cojuangco ang pagnanais nito na isagawa ang 2019 Philippines SEA Games sa lugar ng Davao City at Davao Del Norte bunga na rin ng pagkakaroon ng probinsiya ng makabago at internasyonal na kalidad na mga pasilidad na unang ginamit noong 2015 Palarong Pambansa.
Ang pagtatayo ng National Training Center sa Davao ay upang magsilbi na rin para sa pagsasanay at paghahanda ng mga lokal na atleta at lugar para sa paghohost nito sa 2019 SEA Games.
Mismong si Cojuangco ang nagbukas ng suhestiyon sa nagbabalik sa ahensiya ng gobyerno na si Ramirez.
Inimbitahan din ng POC si Ramirez para dumalo sa Sea Games Federation Council Meeting sa Hulyo 12 sa Kuala Lumpur kung saan kinakailangang ihayag ang inisyal na garantiya na kaya isagawa ng gobyerno ng Pilipinas ang pagsasagawa ng ika-30 edisyon ng torneo sa 2019.
Isinagawa naman ng POC ang pag-aalok sa SEA Games hosting sa Davao mula sa kagustuhan ni dating House Committee on Youth and Sports Chairman Congressman Anthony del Rosario.