CEBU CITY – Nangakong magbibigay ng halagang $1.5 million o P70.4 million ang may-ari ng vessel na nakasira ng malaking bahagi ng corals sa Malapascua Island.
Umabot ng 2.4 hectares ng corals ang napinsala ng m/v Belle Rose matapos na sumadsad ito sa nasabing isla. Sa isang liham na ipinadala kay Cebu governor Hilario Davide III, sinabi ng Japan Ship Owners’ Mutual Protection and Indemnity Association na kanilang ibibigay sa loob ng 21 araw sapul nang ipadala nila ang naturang liham.
Ayon pa sa sulat na pirmado ng branch manager ng naturang asosasyon na si Hiroshi Kikegawa, gagamitin ang nasabing halaga para sa pagpapagawa ng anumang napinsala dahil sa insidente.
“The amount will cover all and any reef damage and restoration costs and socioeconomic loss, potential fines, penalties, compensations, expenses, cost or any other sums directly or indirectly caused by the incident,” nakasaad sa sulat.
Iginiit naman ni Kikegawa na ang kanilang pagbibigay ng nasabing halaga ay hindi nangangahulugan ng pag-ako ng kasalanan.
Hindi naman mailabas pa ng provincial government ang eksaktong halaga ng nasirang reefs. Galing Japan ang nasabing barko na may dalang raw materials sa paggawa ng semento ng sumadsad ito sa karagatan ng San Fernando town sa southern Cebu. (Mars W. Mosqueda, Jr.)