Dalawang katao ang sugatan samantalang P1 million halaga ng ari-arian ang natupok sa isang sunog sa Quezon City noong Biyernes.
Kinilala ni Fire Supt. Jesus Fernandez, Quezon City Fire Marshal, ang mga biktima na sina Francis Shane dela Torre, 12, at Melvin Ramirez, 36, na mga nasugatan habang tumatakas sa sunog.
Ayon kay Fernandez, ang sunog ay nagsimula sa isang bahay sa Everlasting St., Barangay Central bago mag-7:30 p.m. na pag-aari ni Gilberto Vidal at tinutuluyan ni Bermin Ramirez.
Agad na kumalat ang apoy sa iba pang mga bahay na mga nakatayo sa lote na pagmamay-ari ng pamahalaan. Tatlong daang pamilya na nakatira sa 100 bahay ang apektado ng sunog na umabot sa Task Force Charlie pasado 9 p.m.
Naapula ang sunog na nagdulot ng matinding trapik bago mag-1 a.m. kahapon. Electrical short circuit ang nakikitang dahilan ng sunog.
“Medyo nahirapan po tayo patayin ang sunog dahil makipot ang kalsada. Mabilis din kumalat ang apoy dahil karamihan eh light materials lang ang pagkakagawa,” sinabi ni Fernandez.
“Under investigation pa ang nasabing sunog.” (Francis T. Wakefield)