Isang daan at apatnapu’t pitong hinihinalang adik ang sumuko sa mga pulis sa Quezon City at Pandacan, Manila.
Ayon kay Supt. Edilberto D.C. Leonardo, hepe ng Manila Police District Station 10, sumuko ang 70 suspek sa Pandacan kahapon bunsod ng pinaigting na kampanyang tinatawag na “Oplan: Tokhang” na kung saan dinadalaw ng mga otoridad ang mga hinihinalang adik at tulak sa bawat barangay at hinihikayat na sumuko at magbago.
Pitompu’t isa sa kanila ay sumuko sa Quezon City Police District Station 11 noong Biyernes dahil din sa Oplan: Tokhang.
Galing ang mga suspek sa Barangay Tatalon at San Isidro. Sumuko naman ang anim sa QCPD Station 6. Sinabi ni Supt. Robert Sales, hepe ng QCPD Station 6, ang mga suspek ay mga residente ng Barangay Batasan Hills, Payatas, at Commonwealth.
Gustong magbago ng mga suspek para sa kanilang mga anak at sumuko dahil sa takot sa pinaigting na kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga.
Samantala, dalawang hinihinalang drug pusher ang naaresto sa Navotas City noong Biyernes. Kinilala ng Navotas police ang mga suspek na nahuli sa buy-bust operation malapit sa Tulay Nuebe sa Barangay Daanghari na sina Roel “Nognog” Quimbo, 36, at Arnel “Ekoy” Arquitola, 24, parehong residente ng Navotas.
Sinubukang tumakas ni Arquitola pero siya ay nahuli pagkatapos ng isang maiksing habulan. (Analou de Vera, Jel Santos, and Vanne Elaine P. Terrazola)