Tinatayang 300 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog sa Parañaque City noong Sabado. Mahigit P1 million halaga ng ari-arian sa 80 bahay na gawa sa light materials ang natupok sa sunog, na ayon kay Insp. Wilson Tana ng Parañaque Bureau of Fire and Protection, ay nagsimula sa bahay ni Linda Dejumo sa Mapa Compound, Multinational Village, Barangay Moonwalk.
Umabot ang sunog na nagsimula ng 10:30 p.m. sa Task Force Alpha. Naapula ang sunog makaraan ng apat na oras. Walang naiulat na nasaktan o namatay sa sunog na pinagtulungang patayin ng mga residente at bumbero maliban sa isang insidente na kung saan nagkaroon ng alitan ang dalawang residente habang nagliligtas ng kanilang mga kagamitan.
Samantala, 20 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog sa Sta. Ana, Manila noong Sabado. Nagsimula ang sunog sa bahay ni Evelyn de Leon sa Pasig Line St. pasado 8:30 p.m. Umabot ang sunog sa fourth alarm at naapula bago nag-11 p.m.
Isang bumbero ang nasaktan nang siya ay makuryente habang pinapatay ang sunog. Sampung bahay ang natupok at P200,000 halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog. Isang oras makaraan ang naturang sunog, dalawang bahay naman ang natupok sa Altura St., Sta. Mesa, Manila.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog at P50,000 halaga ng ari-arian ang naabo. (Jean Fernando, Martin A. Sadongdong, and Analou de Vera)