Pinatunayan ng Philippine Navy na sila ang hari at reyna ng karagatan matapos daigin ang mga kalaban sa men’s, women’s at mixed division ng ginanap na Paddles Up, The 1st Philippine Dragonboat Tour na isinagawa ang ikalima at pinakahuli nitong yugto sa makasaysayang Manila Bay Linggo ng umaga.
Unang nagwagi ang Philippine Navy sa women’s division matapos itala ang pinakamabilis na oras sa pinaglabanan na 500m distansiya na 1’36”02 minuto upang pagreynahan ang kabuuang 16 na iba pang koponan.
Sumunod na nagwagi ang Navy sa Mixed Major Finals sa itinala nitong pinakamabilis na pagsagwan na 1’20”73 minuto. Pinakahuling nagkampeon ang Navy sa Men’s Major Finals sa sinagwan nitong 1’11”22 minuto kasunod ang Marines (1’12”40), Sagwan Tanauan (1’13”41), Alab Sagwan (1’14”21) at ang Titans (1’17”78).
Samantala’y tinanghal matapos na lumahok sa buong limang leg na kampeon sa women’s division ang Titans na nagtipon ng 46 puntos, ikalawa ang Manila Dragons na may 27 puntos at ang PDRT na may 16 puntos. (Angie Oredo)