Sumuko sa pulisya ang tinatayang 200 drug users and pushers mula sa iba’t ibang barangay sa Pasay City bilang bahagi ng “Oplan Tokhang”.
Ayon kay SPO1 Ronaldo David ng Pasay City Police Station Anti-Illegal Drugs (SAID), sinamahan ng mga barangay official ang mga sumukong tulak at drug addict sa Pasay City Police bago sumapit ang ika-8 ng umaga kahapon.
“Karamihan sa kanila ay kusang loob na nagpunta rito, ‘yong iba naman eh kinatok ng mga kagawad at kusang loob na sumama,” sabi ni David.
Pinapirma ang mga sumuko sa dokumento kung saan nangangako silang tatalikuran na ang paggamit at pagbebenta ng bawal na gamot.
Kasunod nito, sumumpa sila sa harap ng police officers sa City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) Office na magbabagong buhay na.
Sumailalim din ang pushers and users sa medical at psychiatric examinations. Sinabi ni David na mahigpit na mamanmanan ng mga barangay officials ang mga sumuko upang siguraduhin na tutuparin nila ang kanilang pangako.
“Itong papel na pinanghahawakan nila ay hindi parang lisensya na kapag nahuli ka ay sasabihin mong ‘Oh sumuko na ako sa pulis’.
Hindi ibig sabihin untouchable na kayo dahil there will be constant and strict monitoring,” ayon pa kay David. (Martin A. Sadongdong)