Pinatunayan ng dalawang Bulgarian na ang pagtulong sa mga hayop ay posibleng magbigay inspirasyon sa sangkatauhan.
Ito ang nangyari sa magkaibigan na sina Marty at Tsetso habang bumibiyahe ito pauwi matapos ang kanilang bakasyon sa Bulgaria.
Napatigil ang dalawa nang makita nila ang isang malnourished na hayop sa tabi ng daan.
Nang akmang lalapitan nila ang hayop na balot ng sugat sa buong katawan ay dahan-dahan itong naglakad pabalik sa isang lugar kung saan nandoon pa ang anak nito na kapareho niya ay sugatan at mahina na din.
Agad na kinuha nina Tsetso at Marty ang dalawa na buto’t balat na lamang halos at dinala sa pagamutan.
Halos hindi na nakilala ng mga beterinaryo na mga huskies ang naturang mga hayop.
Natuwa naman ang mga beterinaryo dahil sa lambing ng mag-inang huskies kaya naman matiyaga nila itong inalagaan hanggang sa bumalik ang sigla at tikas ng mga ito.
Paniwala ng mga beterinaryo ay itinapon na lamang ang dalawa matapos na pabayaan ng kanilang amo o mga amo.
Ngayon, nasa magandang kalagayan na ang mga aso dahil sa pangangalaga na ibinibigay ng mga bagong nag-aalaga sa mga ito. Pinangalanan nilang Siberia at Alaska ang mag-inang huskies.
Naging viral ang istorya ng mga huskies dahil sa istorya nito na naka-antig ng puso hindi lamang sa mga dog lovers kungdi maging sa mga tao na noon ay naniniwalang dying breed na ang mga matulungin na tao. (DP)