CAMP GEN. PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Muling pinaigting ng pulisya ang kanilang kampanya laban sa illegal gambling matapos na kanilang makalap na patuloy pa din ang operasyon ng “sacla”at “jueteng” sa ilang areas sa kanilang lugar.
Ito naman ang sagot ng local police officials sa panawagan ni Chief Superintendent Roland “Bato” de la Rosa, Philippine National Police chief, na sugpuin ang lahat ng iligal na gawain sa buong bansa.
Ayon kay Senior Superintendent Eliseo D.L.C. Cruz, Cavite Police Provincial Office (PPO) acting director, kaniya nang ipinag-utos sa kanilang intelligence team, special operations officers at chiefs of police (CoPs) sa lowland at upland districts na pugsain ang illegal gambling sa kanilang nasasakupan.
Kabilang sa mga talamak umano sa kanilang lugar ay ang “jueteng” (numbers game) na pinalalabas na Small Town Lottery (STL) at “EZ2,” “sacla sa lamay” billiard betting, electronic games katulad ng “fruit games” at “video-karera,” “bookies” (horse race betting stations), “tupada” (illegal cockfight) and maging ang mga peria na mayroong color games na tinatayaan. (Anthony Giron)