DAVAO CITY – Magkakaroon ng isa sa bagong 10 44-meter multi-role response vessels (MRRV) ang Philippine Coast Guard-Davao mula Japan na itatalaga sa baybayin ng “Malacañang of the South” sa may Department of Public Works and Highways (DPWH) compound sa Panacan, sa may lungsod kung saan nanungkulan dati ang Pangulong Duterte.
Ayon kay PCG-Davao acting station commander LCDR Restituto Concio Jr. inaasahang darating sa rehiyon ang bagong kagamitang pandagat ngayong Setyembre, kung saan magbubunsod sa kapabilidad sa pagsagip, pagpatrol at pagprotekta sa paligid ng dagat.
Sabi pa niya, may matatanggap pang 10 sasakyang pandagat sa loob ng dalawang taon, at inaasahan din ng PCG-Davao na makakakuha ito ng isang pang yunit dahil kailangang bigyang prayoridad ang Davao upang masiguro ang kaligtasan ng Pangulo, habang ang iba naman ay mababahagian ng 12 iba pang mga coast guard stations sa buong bansa.
Dagdag pa ni Concio, nakatanggap ang kanilang rehiyon ng isang 35-meter vessel BRP Ilocos Norte dalawang linggong nakaraan upang dagdagan ang seguridad sa Golpo ng Davao na sinasabing mahirap bantayan dahil sa marami itong pasukan. (Antonio Colina)