DINALUPIHAN, Bataan – Isang araw matapos matalaga ang bagong provincial police director, patay ang dalawang hinihinalang drug pushers sa nasabing lalawigan habang nahuli naman ang isang babaeng tagalako ng droga nang maiulat na nagbarilan sa barangay Old San Jose, Dinalupihan.
Ayon kay Sr. Supt. Bejamin Silo, Jr., bagong talagang PNP director, patay matapos makipagpalitan ng putok sila Ali Abubakar, na tinaguriang Number 1 top drug pusher sa Mariveles, at isang hindi pa nakikilala sa nasabing barangay bandang 5:30 pm noong Miyerkules.
Kinilala naman ni Col. Silo ang nahuling suspek sa pagtutulak ng droga na si Bulawan Abubakar, na mula pa sa Quaipo, Manila.
Ngunit isang pinangalanang Warly Castilo ang nakatakas sa operasyon, pero nahaharap sa kasong drug pushing.
Napatay ang dalawa matapos matalaga sa pwesto si Bataan PNP noong Martes kung saan nangako itong bibigyang diin ang laban kontra droga bilang pagsunod sa direktiba nila Pres. Duterte at PNP chiefs Ronald dela Rosa. (Mar T. Supnad)