Dalawa hinihinalang tulak ng shabu ang napatay nang makipagbarilan sa mga pulis sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Sta. Mesa, Manila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Renato “Neno” Padando, 41, ng Parcel Street, Barangay 360, Sta. Mesa, Manila; at isang alyas “Pangit,” nasa edad na 30 hanggang 35, may katamtamang pangangatawan, at may taas na 5’4.
Ayon kay Police Officer 2 Lalaine G. Almosa, case investigator, naganap ang shootout malapit sa riles ng tren bandang 2 a.m. Base sa inisyal na imbestigasyon, nakipagkita si Padando sa isang pulis na nagkunwaring buyer ng P500 halaga ng shabu.
Nang maramdaman ni Padando na pulis ang bumibili sa kanya ng shabu, agad siyang bumunot ng baril at pinaputukan ang alagad ng batas.
Apat pang pulis na naka-standby sa di kalayuan ang kaagad na sumaklolo at napatay si Padando. Nang sandaling iyon, biglang lumabas si “Pangit” mula sa isang barong-barong at nakipagpalitan din ng putok sa mga pulis hanggang sa siya ay mapatay din.
Na-recover ng mga pulis sa lugar ang 18 sachets ng shabu, isang .45-caliber at .38-caliber guns na kargado ng bala, at ang markadong pera na ginamit sa buy-bust operation. (Analou De Vera)