Davao City – Iniugnay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkamatay ng isang lider ng Lumad at ng kasama nito noong Miyerkules, Hulyo 7, sa New People’s Army.
Si Datu Ruben Labawan, 42, lider ng tribong Ata mula sa Paquibato District at si Romeo Tanio, 49, ay binaril sa national highway sa Panabo City noong Miyerkules bandang 4:00 pm.
Ayon sa pulis, ang dalawa ay sinusundan ng limang hindi pa nakikilalang mga suspek na nakasakay sa tatlong motorsiklo sa national highway ng Purok Taong, Brgy. Gredu, Panabo City, Davao del Norte.
Giit ni Ryan Batchar, tagapagsalita ng 10th Infantry Division, ang dalawa ay nagsisilbing kinatawan ng kanilang komunidad sa isang project meeting ng gobyerno, kasama pa ang ibang kinatawan mula sa pambansa at lokal na pamahalaan tulad ng National Commission on Indigenous People sa RJ3 Restaurant sa Panabo City. (Yas Ocampo)