Tatlong pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District ang nagpositibo sa paggamit ng droga batay sa isinagawang drug test sa kanila kamakailan.
Ayon kay QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar, ang mga pulis ay nakatalaga sa Stations 3, 6, at 9.
Nakatakdang isalang ang tatlo sa confirmatory drug test sa Philippine National Police Crime Laboratory sa Camp Crame, Quezon City sa mga susunod na araw.
Kapag napatunayang sila nga ay gumagamit, bibigyan sila ng 15 araw upang umapila. Nanganganib na masibak sa puwesto at makasuhan ang tatlo.
Isinagawa ng QCPD ang drug test upang linisin ang kanilang hanay ng mga pulis na gumagamit ng bawal na gamot. May 4,740 tauhan ang QCPD na nakatalaga sa 12 istasyon.
Samantala, naaresto ang isang dating pulis sa isang buy-bust operation sa Barangay Caniogan, Pasig City kahapon.
Kinilala ng Pasig police ang suspek na si Rolando Baltazar, 44, residente ng naturang barangay. Nahuli ng mga otoridad ang suspect pagkatapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang police poseur-buyer sa halagang P2,000.
Narekober sa suspek ang limang pakete ng shabu at ang perang ginamit sa buy-bust. Nakakulong ang suspek sa Pasig police headquarters.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso si Baltazar. (Vanne Elaine P. Terrazola and Jenny F. Manongdo)