SANTIAGO, Ilocos Sur – Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa isang sabungan sa Brgy. Sabangan.
Kinilala ni Chief Inspector Greg Guerrero, spokesman ng the Ilocos Sur police provincial office, ang biktima na si Edson Locquiao, chairman ng Barangay Mambug, Santiago town.
Sinasabing lider ng notoryus na Locquiao criminal group ang biktima. Base sa imbestigasyon, nakaupo sa loob ng sabungan si Locquiao nang bigla itong lapitan at paputukan ng suspek sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi naman ng agaran nitong pagkamatay.
Bukod kay Locquiao dalawa katao pa ang tinamaan ng ligaw na bala na kinilalang sina Andres Igido, residente ng Barangay Busel-Busel, Santiago town, at si Alfred Pineda, 17-anyos, at residente ng Barangay Bulbulala, Santiago, Ilocos Sur.
Naitakbo pa ang dalawang biktima sa ospital kung saan nilalapatan ang mga ito ng karampatang lunas. Samantala inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpaslang kay Locquiao. (Freddie G. Lazaro)