Magbabalik sa susunod na Sabado’t-Linggo ang kinagigiliwang pampamilya at para sa komunidad na programa sa physical fitness at grassroots sports development na Laro’t-Saya sa Parke (LSP) PLAY ‘N LEARN tampok ang mas pinalaking mga aktibidad sa ilalim ng bagong mamumuno sa Philippine Sports Commission (PSC).
Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na isasagawa na muli ang programa na nakatutok sa libreng pagtuturo sa iba’t-ibang sports para sa bawat miyembro ng pamilya matapos aprubahan ng nagbabalik na PSC Chairman William “Btuch” Ramirez at apat nitong Executive Board.
“We will resume the Laro’t-Saya Program next weekend,” sabi lamang ni Domingo.
Isa ang City Government of Davao kung saan katulong ang Sports Development Division ng City Mayor’s Office kung saan dating nanungkulan ang ngayon ay Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte at ang PSC Chairman ngayon na si Ramirez sa masugid na tagasuporta ng programa.
Hangad ng Laro’t Saya sa Parke na mapalawak at maibahagi ang physical fitness para sa lahat ng edad at pati na rin para sa family bonding base sa nakatakda ditong mandato sa PSC Sports for All program.
Isinasagawa ang LSP sa lugar ng Iloilo City; Kawit, Cavite; General Santos City; People’s Park sa Davao City; Bacolod Plaza sa Bacolod City; Plaza Sugbu sa Cebu City; Pastrana Park sa Aklan Province; Burnham Park sa Baguio City; E-Park sa Tagum City; at Plaza Burgos sa Vigan City. (Angie Oredo)