Tatlong hinihinalang tulak ng droga ang napatay, dalawa umano kanila ay nakipagbarilan sa mga alagad ng batas, sa makakahiwalay na lugar sa Caloocan City, Sabado ng gabi at kahapon ng madaling araw, ayon sa police report. Sinabi ni Supt. Ferdie del Rosario, Caloocan Police deputy chief for administration, na inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng dalawang drug suspects na napatay Sabado ng gabi.
Isa sa mga napatay ay nasa pagitan ng edad na 35 at 40, mahaba ang buhok, at nakasuot ng black Adidas t-shirt; habang ang pangalawa ay nasa ganoong edad din, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng blue t-shirt. Naganap ang unang shootout bandang 10:30 p.m. sa Waling-Waling St., Sampaguita Subd., Barangay 175, Camarin, kung saan sinita ang suspek ng mga operatiba ng Police Community Precinct 5 (PCP-5) na pinamumunuan ni P03 Salvador Agama.
Noong gabi ring iyon, napatay ng mga tauhan ng PCP-1 ang isang alyas “Jess” nang makipagpalitan siya ng putok sa mga alagad ng batas. Sinabi ni Del Rosario na naganap ang shootout bandang 6 p.m. sa BMBA compound, Barangay 120. Kahapon, bandang 1:56 a.m., itinumba naman ng dalawang nakamotorsiklong armadong lalaki si Alez Simporoso, 44, kagawad ng Barangay 102, na umanoy sangkot sa pagbebena ng ipinagbabawal na gamot. Base sa police report, minamaneho ni Simporoso ang kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang salarin na nakasakay din sa isang motorsiklo sa kahabaan ng Biglang Awa St., Barangay Grace Park. Ayon sa mga nakakita, isa sa mga suspek ang naglagay ng papel sa bangkay ni Simporoso na may nakasulat na “PUSHER AKO WAG TULARAN.” (Ed Mahilum, Jel Santos)