BUTUAN CITY – Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga komunistang New People’s Army (NPA) at pwersa ng gobyerno Linggo ng umaga sa lungsod ng San Francisco, Surigao del Norte.
Inihayag ni First Lieutenant Ryan D. Layug, isang Civil Military Operation (CMO) officer ng Army’s 30th Infantry Batallion (30th IB) na nasabat ng combat maneuvering troops ang isang M16 Armalite rifle at live ammunitions pagkatapos ang 10-minutong bakbakan.
Nagsagawa ng operasyon ang 30th IB sa Brgy. Amontay upang bantayan ang mga Lawless Armed Group (LAG) na inirereklamo ng mga lokal na residente.
Nangangamba ang mga residente ukol sa tangka nitong ambushin ang mga pulis at sundalo na nagpapatrolya sa lugar at pagpigil nito sa kanilang pagpunta sa bukid ng halos isang linggo.
Ayon kay Layug wala namang nasaktan sa kanilang operating troops. Nanawagan naman si Lt. Col. Rico Amaro sa lider ng grupong LAG na isuko na ang kanilang mga kasamahan lalo na ang mga naging sugatan sa engkwentro upang mabigyan ang mga ito ng karampatang lunas. (Mike U. Crismundo)