BUTUAN CITY – Dalawang miyembro ng “Bantay Banwa” ang dinukot ng mga pinaghihinalaang rebelde ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Pangi, na may anim na kilometrong layo sa Tandag City, Surigao del Sur province kahapon.
Ayon sa pangunahing ulat mula sa Surigao del Sur Police Provincial Office (PPO), ang dalawang miyembro ng “Bantay Kalikasan” na kinilala bilang sina Jesus Matin-ao, 50-anyos at Ramil Aguirre, 35-anyos ay patungong coconut lands sa Barangay Pangi nang sila ay dukutin ng 60 na mga armadong NPA, ala-sais ng umaga Biyernes, Hulyo 8, 2016.
Ang pinaghihinalaang grupo na may kasama ding kababaihan, na nakasuot ng full combat military uniforms ay armado ng AK-47 at M16 Armalite rifles na di-umano’y pinangungunahan ni alias “Nicko” ng guerilla-Front Committee 30 of the CPP-NPA Northeastern Mindanao Regional Committee (NMRC).
Agad din namang pinakawalan ng mga suspek si Matin-ao makalipas ang ilang oras, ngunit nananatili pa rin sa kamay ng mga rebelde si Aguirre dahil sa di-umano’y pagiging informant daw nito ng pwersa ng gobyerno na nagsasagawa ng operasyon sa may Surigao del Sur.
Naghahanda na din sa pagtugis ang provincial mobile forces at Tandag City Police Station (TCPS) police force kasama ang combat maneuvering troops ng 402nd Infantry (Stingers) Brigade upang iligtas si Aguirre. (Mike U. Crismundo)