Nabali ang kaliwang braso ng isang 18-gulang na lalaki matapos siyang tumalon mula sa bubungan ng isang drug den para takasan ang mga alagad ng batas na nagsagawa ng buy-bust operation sa Pasig City noong Lunes ng gabi.
Isinugod ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) Unit ng Pasig City police ang suspek na si Jomarie “Jomar” Esconde sa Amang Rodriguez Hospital para magamot ang tinamong sugat at pinsala sa braso.
Nauna rito, nakapagbenta ng shabu si Esconde sa isang undercover cop sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Manggahan bandang 1 a.m., Lunes.
Nang matunugan na pulis pala ang kanyang nabentahan ng droga, mabilis na tumakbo si Esconde sa bubungan ng bahay para tumakas.
Sa kasamaang palad, nabali ang kanyang kaliwang braso sa kanyang pagtalon mula sa bubungan.
Tinahi sa ospital ang sugat ni Esconde bago siya dinala sa Eastern Police District crime laboratory sa Mandaluyong para sumailalim sa drug test at iba pang laboratory exam.
Ayon kay Police Officer 2 Lodjie N. Coz, may hawak ng kaso, hindi si Econde ang tunay na target ng kanilang operation, kundi ang kanyang amo na tumangging sumuko sa awtoridad sa kabila ng “Oplan Tokhang” program na ipinatutupad ng gobyerno. (Jenny Manongdo)