Dahil sa patuloy ng paglobo ng bilang ng mga sumusukong drug users at pushers sa Manila, binabalak ng pamahalaang lungsod na magtayo ng isang drug rehabilitation center sa loob ng Boystown sa Marikina, pahayag ni Mayor Joseph “Erap” Estrada kahapon.
Simula nang ipatupad ang “Oplan Tokhang” laban sa illegal drugs, umabot na sa 400 drug suspects ang sumuko sa pulisya at nangakong magbabagong buhay na, ayon sa record ng Manila Police District.
Para mabigyan ng tamang pangangalaga ang mga drug users, ipinahayag ni Estrada ang planong palawakin ang Manila Boystown Complex sa Marikina City para mabigyang daan ang pagtatayo ng drug rehabilitation center para sa mga sumukong drug users.
“Unless we treat the drug pushers and users, there will always be a market for the drug pushers and their financiers to sell their illicit goods. Rehabilitating drug users would reduce that market and make the drug trade less attractive even for financiers,” sabi ni Estrada.
Ayon kay Estrada, kinakailangan ding bigyan ng makataong pagkalinga ang mga nalulong sa droga para mabigyan sila ng pagkakataong magbagong buhay.
“They need our help. Let us help them permanently kick out the drug habit,” sabi pa niya.
“We go hard on the pushers and users who do not want to get treated and we help those wanted to get treatment and turn a new leaf,” dagdag pa ng alkalde. (Betheena Kae Unite)